101 mga gunita

INIIWASAN ng karamihan ang muling paggunita sa mga malulungkot na pangyayaring kanilang naranasan. Para sa kanila, higit na mainam kung kalimutan na ang mga ito at pagtuunan ng pansin ang hinaharap. Kung may dapat silang maaalala, kanilang sasariwain lamang ang mga masasayang pangyayari.
Taliwas naman dito ang ginawa ng makatang si Teo Antonio kung saan ginunita niya ang mga alaalang kapwa nagbigay sa kanya ng lungkot at ligaya. Naging kasangkapan niya ang mga ito upang lumawak pa ang kaniyang pananaw sa buhay.
Sa Isang Daa’t Isang Lungkot at Ligaya (UST Publishing House, 2004), isang kalipunan ng kaniyang mga tula, inilahad ni Antonio ang iba’t ibang aspeto ng kalungkutan at kaligayahan. Binubuo ito ng 101 tulang isinulat niya mula 1997 hanggang 2003. Nahahati ang libro sa tatlong bahagi: “Lungkot at Ligaya,” “Pagdaong sa Banyagang Lupa” at “Karnal at Personal.”
Inilahad ni Antonio sa unang bahagi ang iba’t ibang mukha ng lungkot at ligaya. Sa tulang “Pagdalaw ng Lungkot,” inihambing niya ang pangungulila ng isang tao sa kaniyang minamahal sa panahon ng tag-araw kung saan “malayo sa hamog ang pagsuyo’t nangangalirang sa sikat ng araw.” Dumadaing din ang tauhan na tila mahirap nang humanap ng taong muling magmamahal sa kaniya. Ngunit, umaasa rin siya na magwawakas ang “tag-araw” na ito at muling sisigla ang kaniyang puso kapag nakatagpo na siya ng tunay na pag-ibig.
Ngunit, kailangan din magsikap ang isang tao upang lumigaya siya. Ito ang idiniin ng may-akda sa “Pagdalaw ng Ligaya.” Halimbawa nito ang isang magsasakang naghahanda ng kaniyang bakuran sa panahon ng taniman. Matapos ang ilang buwang pagtatrabaho, “naitawid niya sa kagutuman ang (kaniyang) mga minamahal.” Kabaligtaran naman ang nangyayari sa mga taong hindi nagsisinop at “pinakakawalan ang oras/ na lumilipad, dahil/ naglagi sa puso ang pagwawalang-bahala’t katamaran.” Sa huli, kaniyang ipinahayag na darating lamang ang kaginhawaan sa isang tao kung marunong itong magtiis at magsipag sa panahon ng kagipitan.
Hindi lamang limitado sa mga personal na karanasan ang mga tula sa “Lungkot at Ligaya;” tinatalakay rin dito ang mga paksang may kinalaman sa pulitika at mga problemang panlipunan. Gaya sa “Ang Kalayaan,” kung saan inilalarawan ang patuloy na pakikibaka ng mga Pilipino laban sa kahirapan sa kabila ng natamong kalayaan ng bansa mula sa mga mananakop.
Tampok naman sa ikalawang bahagi ng aklat ang mga tulang patungkol sa kaniyang pagbisita sa ibang bansa. Inilalarawan dito ang sari-saring emosyon na nararamdaman ng isang manlalakbay kapag napapadayo sa isang banyagang lugar. Halimbawa rito ang pagkamangha ni Antonio sa mga malalawak na bukirin sa Amerika sa “Biyaheng San Francisco:” …sa napakalawak na sabi’y disyerto, ano’t may taniman/ Taniman ng laksa-laksang almond at pistachio,/…Walang magsasaka ang nag-aararo. Ang mga pandilig/ sa lawak ng lupa ay mga makina itong ginagamit.”
Sa kabilang banda, kaniya namang tinuligsa ang mga negatibong katangian ng mga taong nakasalamuha niya sa Estados Unidos. Pinuna niya sa “Wala Kang Pandama Las Vegas” ang pagiging manhid umano ng mga Amerikano sa kahirapan at sakunang dinaranas ng ibang mga lahi. Walang humpay silang naglulustay ng pera sa sugal habang nakakaligtaan ang “laksa-laksang gutom at hirap” na tiniis ng mga maralitang tao sa ibang bansa.
Ginunita naman ni Antonio ang mga taong malapit sa kaniya sa bahaging “Karnal at Personal.” Isang halimbawa nito ang tulang “Cuadro de Jack,” na patungkol sa kaniyang kinabibilangang grupo ng magkakaibigan. Ipinahayag niya rito ang kaniyang kalungkutan dahil sa nagiging bihira ang kanilang pagkikita dulot ng pagiging abala sa trabaho: “Paminsan-minsan na lang (kami) nagkikita/…Hindi katulad noong kami’y binata/ Halos linggo-linggo ay tumutoma.” Subalit, ipinagmalaki niya na hindi nasusukat ang pagkakaibigan sa dalas ng pagkikita, ngunit sa pagiging matibay nito, lumipas man ang maraming taon.
Hindi rin naman nakakaligtaan ng may-akda ang kaniyang mga kapamilya. Ilang tula sa bahaging ito ang patungkol sa kanila, gaya ng “Sa Aming Inang,” kung saan pinasalamatan ni Antonio ang kaniyang ina sa matiyaga nitong pag-aalaga sa kanilang magkakapatid.
Mapapansin sa koleksiyon ang paggamit ni Antonio ng mga tulang may sukat at tugma, subalit hindi ito nakapigil upang maipahayag niya ang kaniyang mga saloobin hinggil sa mga panibagong usapin sa pulitika at lipunan. Isang halimbawa nito ang “Ibang Ghazal sa Digmaan,” na bumabatikos sa ginawang pagsalakay ng Amerika sa Iraq noong 2003. May mga pagkakataon naman na tila nangangaral ang may-akda sa kaniyang mga tula, tulad sa “Pagdalaw ng Ligaya” at “Hindi Pisong Kumakalansing Ang Pasko.” Bagaman hangarin niyang ipaabot sa mga mambabasa ang mga karunungang makagagabay sa buhay, may panganib naman na magmumukhang ituturo ito nang sapilitan.
Pinatunayan ni Teo Antonio, sa pamamagitan ng paghugot sa kaniyang mga masasaya at malulungkot na alaala, na hindi kaagad malilimutan ang mga payak na emosyon ng tao. Sa halip, maaari pa itong pagmulan ng mga magagandang aral.
Isang premyadong makata si Teo Antonio na dating nag-aral sa lumang College of Architecture and Fine Arts ng Unibersidad ng Santo Tomas. Ilan sa kaniyang mga nakamit na gantimpala ang Pambansang Gawad Alagad ni Balagtas(2002) mula sa Unyon ng mga Manunulat ng Pilipinas, Dangal ng Lipi para sa Sining (1997) mula sa lalawigan ng Bulakan at Gawad Patnubay sa Kalinangan para sa Panitikan (1996) mula sa Lungsod ng Maynila. Nanalo naman ng Centennial Literary Prize noong 1998 ang kaniyang tulang-epiko na “Piping-Dilat.” Lumahok din siya sa 1996 Kuala Lumpur World Poetry Reading na idinaos ng Dewan Bahasa Dan Pustaka ng bansang Malaysia.Ni Ruben Jeffrey R. Asuncion

Montage Vol. 10 • December 2006




Montage 2008 - Cover



Montage 2008 - Back Cover